‘Si Matsing at si Pagong’ ni Jose Rizal at ang ‘PBBY Prizes’: Tampok sa ‘National Children’s Book Day’ sa Museo Pambata

Ni Luis Gatmaitan
Nalathala sa PINOY PERYODIKO noong Hulyo 21, 2024

Nagsimula ang lahat sa kuwentong bayan na ‘The Monkey and the Turtle’ na muling isinalaysay at iginuhit ni Dr. Jose Rizal

ANG buwan ng Hulyo ay isang masayang buwan para sa amin na lumilikha ng aklat pambata. Bakit? Noong taong 1889, ikatlong Martes ng Hulyo, nalathala ang ginawang retelling ni Dr Jose Rizal ng “The Monkey and The Tortoise” sa Trubner’s Oriental Record sa London. Ang dyornal na ito ay naglalathala ng mga piling akdang pampanitikan mula sa Far East. Ipinadala ni Dr. Rizal ang kanyang isinulat na retelling ng kuwentong bayan na ito na pinaniniwalaang nanggaling sa mga Manobo ng Mindanao. Alam naman natin na di sadyang tukoy kung sino ang umakda ng mga folk tales na ito. Naikuwento ito sa batang si Rizal noon at kanya itong muling isinalaysay. Ang bersiyon ng “Si Matsing at Si Pagong” na binabasa natin ngayon ay galing kay Dr. Jose Rizal.

PBBY Board

Ang mga opisyal ng PBBY. Mula kaliwa, harapan: Ani Rosa Almario, Portia Padilla, Liza Flores, Zarah Gagatiga, Paula Cabochan-Reyes, Emily Abrera, Nina Lim-Yuson, Wilma Santos-Huang (presidente ng Museo Pambata, panauhin), Frances Ong, Dina Ocampo. Mula sa kaliwa, itaas: Beverly Wico Siy, Luis Gatmaitan, Tom Fernando, Victor Villanueva, at Rey Bufi

Ang slogan ng pagdiriwang ng NCBD ngayong taon na ito ay “Imagination Fills the Air” na nakaangkla sa slogan ng pagiging Guest of Honor ng Pilipinas sa paparating na Frankfurt Book Fair (o Frankfurter Buchmesse) sa Germany: ang “Imagination Peoples the Air” na isang linyang hinango mismo sa nobelang Noli Me Tangere ni Dr. Jose Rizal. Akma ang naturang slogan sapagkat ang mayamang imahinasyon ng mga manunulat, ilustrador, at kuwentista ang nagluluwal ng magagandang aklat pambata.

Si Emily Abrera, media icon, ang keynote speaker sa 2025 National Children’s Book Day

Nagbigay ng keynote address si Emily Altomonte Abrera, ang kilalang advertising icon na naging Presidente ng McCann Erickson Philippines at dating chair ng Cultural Center of the Philippines. Ibinahagi niya ang malaking papel ng libro at pagbabasa sa loob ng kanilang tahanan sa pangunguna ng kanyang amang Italyano (na mas piniling dito manirahan sa Pilipinas). Ayon kay Abrera, lahat sila ay nagbabasa ng aklat matapos ang hapunan dahil ginagaya nila ang ipinakitang halimbawa ng kanilang ama. Hanggang kalaunan ay naging gawi na rin nila ang regular na pagbabasa ng aklat. Sa gabi, madalas nilang nahihilingang magkuwento ang kanilang ama. May imaginary faucet (gripo) pa nga raw ang kanyang tatay sa ulo na kailangang buksan upang dumaloy ang kuwento.

Taon-taon ay inaabangan ng mga taong malay sa panitikang pambata ang araw na ito kung saan iginagawad ang taunang PBBY Salanga Prize para sa nagwaging manunulat ng aklat pambata, at ang PBBY Alcala Prize para sa nagwaging ilustrador. Nagsisilbing lunsaran din ang mga pagkilalang ito para sa karera ng mga taong nais pumalaot sa daigdig ng panitikang pambata. Marami sa mga dating nagwagi ng PBBY awards ang nakapaglathala na ng maraming aklat pambata at kilala na rin sa industriya.

Salanga Prize winners

Kasama ni Gatmaitan ang dalawang nagwagi sa PBBY Salanga Prize: si Patricia Gomez (Grand Prize) para sa historical fiction na ‘Three Thimbles’;at si Arli Pagaduan (Honorable Mention) para sa ‘Carmel’s Hands’

Ang dalawang national award na ito ay hango sa pangalan ng dalawang founding PBBY Board Members na namayapa na. Ang PBBY Salanga Prize ay ipinangalan kay Alfrredo Navarro Salanga, isang iginagalang na guro, makata, editor, at kritiko. Samantala, ang PBBY Alcala Prize ay ipinangalan kay Larry Alcala, ang ating National Artist sa larang ng Sining Biswal, na naglingkod din dati sa PBBY bilang representative ng sektor ng mga ilustrador.

Ngayong taong ito, ang PBBY Salanga Prize ay binuksan para sa chapter book (may tuon sa historical fiction). Mapalad na nasungkit ni Patricia Marie Grace Gomez ang Grand Prize para sa kanyang kuwentong  “Three Thimbles” na tumalakay sa pagtahi ng unang bandila ng Pilipinas sa Hong Kong. Di ba’t ang isa sa tatlong babaeng tumahi ng bandila ay bata? Ano kaya ang matutuklasan natin sa kanya sa kuwentong ito? Si Patricia Gomez ay dati nang tumanggap ng pagkilala mula sa Palanca Awards para sa kanyang kuwentong pambata sa English.

Ang PBBY Alcala Grand Prize ay ipinagkaloob naman kay Tin Javier para sa kanyang mahusay na paglalapat ng ilustrasyon sa “Three Thimbles.” Si Javier ay isang paper collage at digital artist mula sa Cavite na nakapaglathala na rin ng ilang aklat. Ito na ang pangalawang beses na nasungkit ni Javier ang PBBY Alcala Grand Prize. Ang Honorable Mention sa Alcala Prize ay napunta naman kay Gervin Angelo Andres, isang graphic designer mula sa Caloocan City.

Ang PBBY Alcala Prize Grand Winner na si Tin Javier kasama sina Dennis Marasigan, G. Alcala (anak ng National Artist Larry Alcala), at Liza Flores.

Ngayong taong ito, ang PBBY ay nagbigay din ng inaugural award sa alaala ng PBBY sectoral representative for illustrators na si Prof. Ruben De Jesus, kilala sa kanyang aklat pambatang “Ang Mahiyaing Manok” (na inakda ni Rebecca Anonuevo). Kilala sa tawag na “Sir Totet,” isa siya sa founding members ng Ang Ilustrador ng Kabataan (Ang INK) at naglingkod bilang college secretary ng UP College of Fine Arts. Nagwagi ang kanyang mga ilustrasyon sa Noma Concours for Children’s Book Illustration sa Tokyo, Japan. Tinawag na “PBBY-De Jesus Wordless Book Prize” ang naturang parangal para sa mga ilustrador na lilikha ng mga wordless picture books.

Ang mga nagwagi ng PBBY-De Jesus Wordless Book Prize na sina Dani Go, Al Estrella, Rommel Joson (Grand Prize Winner), at Ray Sunga.

Sa taong ito, mapalad na nagwagi ang entry ni Rommel Joson sa PBBY-De Jesus Wordless Book Prize. Pinamagatang “Alikabok sa Liwanag,” napili niyang gawing paksa sa kanyang “wordless book” ang pananaw ng batang Meranaw sa naganap na digmaan sa bayan ng Marawi. Si Joson ay nagtuturo ngayon sa UP College of Fine Arts, kung saan din niya kasalukuyang kinukuha ang kanyang postgraduate studies. Ang kanyang aklat na “Isang Harding Papel” (inakda ni Augie Rivera, Adarna House) ay nanalo ng Filipino Readers Choice Awards for Best Children’s Book noong 2015. Kami rin ni Joson ay may ginawang isang aklat pambata, pinamagatang “Ewww, Kadiri ang mga Germs” (OMF-Hiyas Books) na naging bahagi ng aking “Mga Kuwento ni Tito Dok” book series.  Ayon kay Joson, isang magandang pagkakataon ang binubuksan ng  ‘wordless book’ para  itampok ang kakayahan ng mga ilustrador na maging kuwentista rin sa pamamagitan ng kanilang mga guhit/art.

Kasama ni Gatmaitan si Jejomar Alda ng DepEd Bureau of Learning Resources (isa sa namamahala sa taunang ‘Gawad Teodora Alonso’ para sa aklat pambata na inakda/iginuhit ng mga guro)

Kasama sa tumanggap ng Honorable Mention para sa PBBY-De Jesus Wordless Book Prize ang tatlong mahuhusay na ilustrador na sina Al Estrella, Ray Sunga, at Dani Go. Lahat sila’y miyembro rin ng Ang INK. Bawat isa sa kanila ay aktibong lumilikha ng mga aklat pambata.  Bumasa naman ng ilang sipi mula sa historical chapter book na “Three Thimbles” si Melody Remorca, ang dating kampeon ng “Salaysayan National Storytelling Competition” na isa ring naging proyekto ng PBBY.

Matapos ang seremonyas sa ikalawang palapag ng Museo Pambata, pinangunahan nina Wilma Santos-Huang, (presidente ng Museo Pambata), Paula Cabochan-Reyes (pangulo ng PBBY), Emily Abrera, Nina Lim-Yuson, Ani Almario, at Liza Flores, ang ribbon-cutting sa pagbubukas ng exhibit ng mga nagwaging ilustrasyon sa PBBY Alcala Prize at PBBY De Jesus Wordless Book Prize.

Ang slogan/paksa ng 2025 NCBD celebration: ‘Imagination Fills the Air’

Next
Next

Rommel Joson wins 2025 PBBY-De Jesus Wordless Book Prize