home board salanga alcala awardees Features

Features

Ano’ng Ginagawa ni Fairy Godmother Sa Jolo?
Ni Luis P. Gatmaitan, MD

PBBY

Gusto ko yatang umatras. Ganoon ang naging reaksyon ko nang malamang sa Jolo, Sulu ako dadalhin ng UNICEF at Cultural Center of the Philippines upang magsagawa ng art therapy sa mga batang nasa gitna ng conflict. Bagama’t interesado akong makita ang hitsura ng Sulu (ito ‘yung parang paa ng hayop sa mapa ng Pilipinas), nauunahan ako ng takot at pangamba sa pagkabanggit pa lamang ng lugar. Sa dami ba naman ng napabalitang engkuwentro at pagsabog sa lugar na ‘yon. Ayoko pa yatang mamatay!

Kung tutuusin, hindi makatwiran ang kaisipang ganito para sa mga kababayan nating Tausug na siyang tawag natin sa mga taong naninirahan sa Jolo. Kaya lang, ang ganoong larawan ay ikinintal sa utak ko ng mga napapanuod ko sa TV, naririnig sa radyo, at nababasa sa diyaryo. Paslit pa lang ako ay naririnig ko na ang pangalan ni Nur Misuari. Wala pa man akong malay noon sa kung ano ang rebelde at ano ang militar. Hindi ko pa rin gagap noon kung ano ang pinaglalabanan nila at kung bakit hindi sila magkaintindihan gayong may sinasabi namang "peace talk." Nitong mga nagdaang taon, ang mga Abu Sayyaf naman ang kinatakutan ng mga tao lalo na sa nangyaring mga kidnapping at pagpatay sa dakong ‘yun.

Pati ang pamilya ko ay may pag-aagam-agam nang banggitin kong tutungo ako sa Jolo. "Kailangan ba talagang puntahan mo ang Jolo?" tanong ng aking ina. Na para bang ang pagbanggit ko sa lalawigang Sulu ay may kaakibat na agad na panganib. Na wari bang kung tingnan nila ang pagtungo ko rito ay maihahalintulad sa isang "babaeng nanganganak na ang paa’y nasa isang hukay." Binalaan pa ako ng isang kaibigan, "naku, kapag may nangyari sa ‘yo sa Jolo, hindi ‘yan sasagutin ng insurance mo." Hindi raw sinasagot ng mga insurance companies ang mga posibleng mangyari sakaling tutungo ako sa isang lugar na mapanganib at waring nakataya ang buhay ko.

"Salamat sa pananakot, ha," tugon ko sa kaniya.

Pero hindi ko matatanggihan ang pagkakataong inaalok ng UNICEF at CCP na makadaupang-palad ko ang mga bata sa Jolo. Kailan ko pa nga ba madadalaw ang lugar na ‘yun kundi pa may workshop na ganito? Kailan mabubura sa aking isip ang naipintang imahe ng Jolo kung hindi ko ito pupuntahan ngayon? Hindi ko kilala ang Jolo. Sa pambungad na theme song lamang ng programang Eat Bulaga ko naririnig ang pangalan ng bayang ito: "Mula Aparri hanggang Jolo, saan ka man, halina kayo, isang libo’t isang tuwa, buong bansa, Eat Bulaga!"

Baon ang pangamba, konting tapang, at pananabik, nagtungo ang team namin sa Zamboanga. Wala palang diretsong flight mula Maynila hanggang Jolo. Mula sa Zamboanga International Airport ay lumipat kami sa isa pang maliit na eroplano (na labing-siyam na katao lang ang puwedeng sumakay) na tutungo sa Jolo. Isa-isa kaming tinimbang na akala mo’y kargamento. Noon pala, gumagawa ng plano ang piloto kung paano kami ipuposisyon sa loob ng eroplano. Tig-isang panig ang taong parehong mabigat. Sa isip-isip ko, wala nang atrasan ito.

Sa airport pa lamang ng Jolo ay maaamoy na ang nakaambang panganib. Puno ng mga sundalo ang airport. Noon lang ako nakakita ng lokal na airport na sangkaterba ang sundalo. At sa bawat kanto na lang yata ng bayan ay mapapansin ang mga kalalakihang armado. Lalo pa akong nagulat nang mabasa ang paalala sa karatulang nakasabit pagpasok namin sa DepEd Division Office: Please deposit your firearms and bladed weapons before entering the premises!

Ganun?

Isang araw bago ang takdang araw ng workshop ay nandoon na kami. Nilibot namin ang mga karatig-pook ng bayan ng Jolo. Napuntahan namin ang lugar na Indanan. Inakyat ng aming umuungol sa sasakyan ang mabundok na lugar. Matarik ang kinaroonan nito. Delikado kung hindi maalam sa daan ang nagmamaneho ng sinasakyan naming Tamaraw FX. Hindi ko inaasahan ang makikita sa tuktok ng aming inakyat - kay raming tangke at iba pang sandatang pamuksa! Nakaposisyon ito sa mataas na lugar. Sabi ng guide naming sundalo, kayang durugin ng naturang mga tangke ang isang baryo. Hahanga ba ako o maiinis sa ginawa niyang paglalarawan sa kung gaano kalupit ang mga kagamitang ‘yun? Sa isipan ko ay biglang naglaro ang imahe ng mga sugatang bata, babae, at matatanda, na basta na lamang napagitna sa maprinsipyong tunggalian ng mga militar at rebelde.

Ngunit umandar ang aking pagka-usyusero nang makaharap ko na ang mga tangke. Heto ang mga kagamitang ginagawan ng replica ng mga toy manufacturers -- tangke, kanyon, armalite, bomba, granada, bala. Ilang ulit din ba kaming naglaro nang gera-giyerahan noong bata pa ako?

Noong una’y nahihiya pa kaming kumuha ng mga litrato. Ngunit ilang saglit pa’y lumabas ang aking pagka-turista. Pumasok sa memory card ng aking digital camera ang mga imahe ng lugar na ‘yun. Nagpakuha pa nga kami ng larawan sa tabi ng mga tangke at kanyon, nakangiti. Pansamantalang nalimot na hindi pala Fort Santiago o Corregidor ang napuntahan naming lugar, at hindi mga eksibit ang nakikita naming kanyon. Ang mga katabi naming armas ay mga sandatang pamuksa -- hindi mga display lamang -- na kasalukuyan pang ginagamit, para sa mga kababayang mangangahas manggulo sa Jolo. Napahiya ako sa pagkaalala nito. Pero nahuli na ng kamera ang aming mga ngiti habang naka-pose sa tabi ng tangke. Kung kasama ko ang isang kaibigan ko, tiyak na ganito ang sasabihin niya sa amin: "hay naku, turistang-turista kayo!"

Nang makaharap ko ang mga batang Tausug na dadalo sa aming art therapy workshop, nalimutan ko ang takot at pangamba. Nalimutan kong ang relihiyon nila ay Islam at ako ay Kristiyano. Ganun pala, kapag nagdugtong ang mga buhay namin, ang mundo ay nagiging isa. Sa gitna ng aming storytelling, games, at kung anu-ano pang aktibidad, sinasayawan nila kami ng "pangalay." Naaliw ako sa isang batang lalaking participant ng workshop na napakagaling sumayaw ng pangalay -- kay lalantik ng kaniyang mga daliri! Patataubin ang sinumang babaeng Tausug na mangangahas agawin sa kanya ang pagsasayaw nito. Tinugtugan nila kami gamit ang kanilang agung, gabbang, at iba pang instrumentong etniko. Kitang-kita ko kung paanong napapaindak ang isang lolang Tausug na kilala sa kanyang mga hinabing tela. Ayon sa kanya, taglay ng kanyang mga hinabing hibla ang mga panaginip ng mga batang Tausug.

Sabik na sabik din sila sa aklat. Mabuti na lamang at nakapagdala ako ng mga kopya ng aklat-pambata upang ipamigay sa kanila. Nag-aagawan sila sa aklat. Sino ang magsasabing hindi mahilig magbasa ang mga batang Pilipino? May isang batang lumapit sa akin matapos na mabasa niya ang naibigay sa kanyang aklat. "E, saan po ba nabibili ang mga librong ganyan? Gusto ko pa po sanang bumili." Sabi ko’y tig-iisa lamang aming dala, sapat para sa bawat isang batang dadalo ng workshop. Tapos ay nabanggit kong mabibili ito sa mga bookstores. Tiningnan n’ya lamang ako at napakamot ng ulo. Wala nga palang bookstore sa Jolo. Noon ko lang naisip na kakailanganin pa nilang pumunta ng Zamboanga upang makadalaw lamang sa bookstores. O kaya’y magkasya na lamang sa mga aklat na matatagpuan sa mga pampublikong libraries.

Halos makiusap din ang ilang gurong Tausug na maiuwi ang ilang children’s books na dala ko. Hanggang textbooks lamang ang konsepto nila ng aklat. Ayon pa sa kanila, sumasakay pa sila ng pump boat kasama ang kanilang mga estudyante mula sa iba-ibang isla makadalo lamang sa workshop na idinaraos namin sa Jolo. Kung kaya’t waring pakunsuwelo na nila ang makatanggap ng ilang kopya ng aklat-pambata. Sa susunod ay aalalahanin ko ang mga ganitong salaysay para makayanan ng masel ko ang dagdag pang bigat ng mga aklat na bubuhatin namin patungong Jolo o saanmang lugar sa Pilipinas na di inaabot ng libro.

Totoo, marami sa mga guro ang naninibago nang makakita ng mga storybooks na sinulat at iginuhit ng mga lokal na awtor. Humanga sila sa ganda ng kuwento at ilustrasyon. Hindi lang daw pala ang mga librong pambatang galing sa ibang bansa ang magaganda! Napansin ko rin na sa mga pader ng isang pampublikong paaralan - sa Mohammad Tulawie Central School - ang nakapintang mural ay ang mga tauhan sa mga foreign storybooks gaya nina Cinderella, Snow White, Little Mermaid, Fairy Godmother, at iba pa. Weird ang pakiramdam nang makita ko ito. Paanong ang isang bayang kagaya ng Jolo ay puno ng imahe ng mga maka-Kanluraning kultura? Hindi kaya pinagtatakhan ng mga magulang at guro kung ano ang ginagawa nina Snow White at Fairy Godmother sa mga dingding ng kanilang paaralan? Pilit na gumigiit sa aking utak kung ito ba ay isang uri ng pagtakas sa reyalidad ng buhay sa Sulu. Hinihintay kaya nilang iwagayway ni Fairy Godmother ang kaniyang magic wand upang sa isang iglap ay magbago ang "peace and order situation" sa kanilang bayan?

Hiniling ko sa mga bata, bilang assignment, na magkuwento ng mga alamat at kuwentong-bayan ng Jolo. Akalain ko bang mula sa mga kuwentong "alamat ng durian" ay mapupunta ito sa pagkukuwento nang naganap na malawakang panununog ng mga rebelde sa Jolo noong 1974. Isinalaysay ng isang binatilyo kung paanong tumakas ang mga lolo’t lola niya lulan ang barko patungong Zamboanga upang makaligtas. Muntik ko nang malimutan ang panununog sa bayan ng Jolo (kung tawagin ay "the burning of Jolo") na naganap noong dekada ’70. Pulos putukan at bombahan daw ang nangyari! Binalikan sa alaala ng ilang nakatatandang guro ang tagpong ‘yun na kung ilang dekada na’ng nakalipas.

Hiniling ko sa mga bata na isa-drowing kung ano ang kanilang konsepto ng "unpeace". Malinaw na naiguhit ng mga bata ang mga tangke, helicopter, at mga armas. May patayan, pagnanakaw, pag-aaway. Ipinakita pa ng isa na may sagupaan ang mga rebelde at militar, at ang ginagawang pangsanggalang sa labanan ay ang mga - dingding ng paaralan! Bilang paglilinaw, sinabi ng mga bata na karaniwan daw ay mga militar ang nagkukubli sa kanilang mga paaralan kapag may engkuwentro. Hindi naman sinasanto ng mga rebelde kahit ang mga institusyong laan para sa edukasyon. Sa panahon ng digmaan, ang lahat ng sulok, kanto, at plasa ay nagiging isang malaking-malaking battle field.

Hiniling ko rin na idrowing nila kung ano ang mundong kaaya-aya para sa kanila. Ano ang konsepto nila kapag sinabi ang salitang "peace"? Karamihan sa drowing na lumabas ay tungkol sa isang pamilya na masayang nananahan sa isang mapayapang komunidad. Maayos na naghahanapbuhay ang mga tao, nagtutulungan, nagbabayanihan. May mga batang naglalaro sa plasa. Nandoon ang mosque at nananambahan ang mga kababayan nating Muslim kay Allah. Nakita ko rin sa isang drowing na nagkakamayan ang dalawang tao -- isang naka-uniporme ng fatigue at isang rebelde. Ngunit karamihan sa iginuhit nila ay mga tagpo mula sa eskuwelahan -- nag-aaral ang mga bata, nakikinig sa lecture ng mga guro, naglalaro, at nag-aayos ng garden.

Pagkatapos nito ay hiniling ko sa kanila na ilahad kung ano ang sa palagay nila ay problema nila sa kanilang komunidad at ang kanilang magagawa para magkaroon ng kapayapaan. Mula sa personal na dahilan hanggang sa isyung pambansa ay kanilang natalakay. Hindi ako ang nagmungkahi ng mga solusyon. Sila mismo ang nag-isip ng mga posibleng gawin upang magkaroon ng isang mundong kaaya-aya para sa kanilang pamilya.

"Dapat po kasi, magbati na sila. Pareho naman pong Pilipino ang rebelde at militar!" Malinaw na nasabi ito ng isang batang sampung taong gulang. Ganun kasimple ang kanyang sinabi pero malalim ang iniwan nito sa aking isip. Oo nga, bakit nga ba hindi magbati? Masyado na nga bang malalim ang inukit ng kani-kanilang prinsipyo sa kanilang mga buhay kung kaya’t nalimutan na nilang magbati? A, maraming tanong ang patuloy na ipupukol sa hangin at isusulat sa tubig. Ngunit mananatiling hindi malinaw ang sagot.

Nang magkaroon kami ng konting programa, isang batang babae ang kumanta ng isang kantang Malaysian. Kabisado niya ang lyrics kahit hindi niya talaga naiintindihan ang mensahe ng kanta. Mas malapit daw kasi sa kanila ang bansang Malaysia kaysa sa Maynila kung kaya’t mas nakukuha ng kanilang radyo ang programa sa Malaysia. Namamangha ako sa ganitong salaysay -- kung paanong bahagi sila ng Pilipinas ngunit mas malapit pa sila sa Malaysia kaysa sa Maynila. Kung nakasakay ka nga raw sa bangka, at ikaw ay tinangay ng malakas na alon at hangin, posibleng sa mga isla na ng Malaysia ka pupulutin.

Karamihan din sa mga gamit na nakita ko sa Jolo ay pawang galing sa ibang bansa. Made in Malaysia, ‘yan ang malinaw na nakasaad sa mga produktong nabibili nila sa barter, isang popular na pamilihan doon. Pati ang napakasarap na kapeng ininom ko ay galing pala sa Malaysia. Gayon din ang mga sabong ginagamit na pansabon ng mga plato. Pati mga kendi at tsokolate ay gawang-Malaysia. Muntik ko na tuloy malimutan na nasa Pilipinas pa ako.

Naging malapit sa akin ang isang batang Tausug na nagngangalang Al-Misri. Noong mga unang araw, tahimik lamang niya akong minamasdan. Subali’t naging palagay rin ang loob niya sa akin lalo na nang purihin ko ang sinulat niyang kuwentong-Mindanao o tatak-Jolo. Ipinagdala pa niya ako ng ginataang durian nang mapagpasyahang magtungo ng mga guro at ilang estudyante sa isang beach ng Sulu, na ang mga buhangin ay higit pang maputi at pino kaysa mga dalampasigan ng Boracay. "Masarap po ‘yan, luto ni Nanay. Baka di pa po kayo nakatikim ng ganyang kasarap ng ginatan." Kitang-kita ko kay Al-Misri ang pagmamalaki sa kanyang kinagisnang pagkain.

Sa dakong huli, napagtanto kong ang mga batang Tausug ay kagaya rin ng maraming bata sa Luzon at Visayas. Pangalan lamang yata nila ang pambihira -- Mohammad, Faisal, Al-Misri, Saddam (na nang magpakilala ay inulan ng panunukso!). Pero meron ding moderno gaya ng Stephanie at Cherry Lou. Pareho lamang silang nangangarap ng isang mapayapa at maunlad na buhay para sa kani-kanilang pamilya.

Lungkot na lungkot si Al-misri nang huling araw ng workshop namin. Parang maiiyak siya nang magpaalaman kami. Kailan daw ba nila ulit niya kami makikita? Panay ang pagpapakuha niya ng litrato. Para ngang naluluha na rin ako. Sa aking isip kasi ay itinatanong ko, kailan kaya muling magkakaroon ng pagkakataon na madalaw ko ang Jolo? Muli ko pa kayang makikita ang mga batang Tausug na nakadaupang-palad ko? Mananatili kaya silang ligtas sa mga susunod pang engkuwentro? Ilang taon mula ngayon, hindi kaya sila mapapabilang sa mga kabataang hahawak na rin ng armas -- sa panig man ng militar o rebelde -- sa ngalan ng kapayapaan?

Nang pasakay na ako sa Tamaraw FX na maghahatid sa amin sa airport, muli kong nilingon ang lugar na tinirhan namin sa Jolo: Peacekeepers’ Inn, ‘yun ang nakabalandra sa maliit na karatulang nakasabit sa bahay-panuluyang ‘yon sa loob ng Camp Asturias. Sa dinami-dami ng pangalang puwedeng itawag sa isang panuluyan, "peacekeepers" pa ang kanilang napili. Kailan kaya darating ang tunay na kapayapaan sa mga kababayan nating Tausug?

Ilang buwan matapos akong manggaling ng Jolo, muli ko na namang nabalitaan ang naganap na banggaan ng mga militar at rebelde. Marami raw nasugatan. Mga ari-aria’y nasira. Bumalik sa aking isip ang mga imahe ng mga tangke at kanyon na nandoon sa taas ng isang burol. Tiyak na ‘yun ang ginamit! Lalo akong napahiya sa pagkaalala nito. Biruin mo, nagpakuha pa ako ng larawan sa mga kagamitang ito na ginagamit sa giyera ng mga magkakalahi. At talagang nakangiti pa ako sa mga piktyur!

Sumagi sa aking isip ang mga batang nakasama ko sa ilang araw ng aming workshop. Nagpadala ako ng text message sa mga naging kaibigan kong Tausug, kasama na ang batang si Al-misri, kinukumusta sila. Nakahinga ako nang maluwag nang ibalita nilang ligtas naman daw sila. ‘Yung iba raw ay lumikas ng ibang lugar. May nagtungo sa Zamboanga. Pero mas maraming nanatili na lang sa kanilang lugar, nagpakatatag. Pagkatapos ng isa na namang giyera, muli na namang aasam ang mga Tausug ng isang payapang daigdig.

Pero nahiling ko, dito sa ubod ng aking puso, na sana nga’y dumaong na ang tunay na kapayapaan sa dalampasigan ng Sulu. Kapag nangyari ‘yun, tiyak kong gigitaw na naman ang luha sa mga mata nina Mohammad, Saddam, at Al-Misri. Hindi na nila kailangang mamuhay sa panahon ng digma!

Assalammulaykum!

 

Read more


July 22 is National Children's Book Day!


KABANATA Young Adult Writers' Workshop


30th NCBD Keynote Address


Tips on Celebrating the 30th NCBD


2nd National Children's Book Awards


2012 National Children's Book Day - Photos


2012 National Children's Book Day - Message from the PBBY Chair


2011 Events and activities


2009 National Children's Book Day
Events and activities

The PBBY Literary Landmarks

National Children's Book Day Ceremonies
July 15, 2008 · CCP

Rene O. Villanueva
(1954-2007)

Recommended Filipino Children's Books 2007
By Rizalina Labanda

Recommended Reads
By Zarah Gagatiga

Ano'ng Ginagawa ni Fairy Godmother Sa Jolo?
Ni Luis P. Gatmaitan, MD

About My Story, "Two Friends, One World" ("Mata at Mangga")
By RayVi Sunico

Favorite Books
By Neni Sta. Romana Cruz

Links

 

LUIS GATMAITAN is the PBBY sectoral representative for writers. Fondly known as "Tito Dok," Gatmaitan is both a doctor and writer for children. Recently inducted into the Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature’s Hall of Fame, he has written over 20 children's books.